Sunday, December 3, 2006

Kaibang adiksyon

Mas kilala na natin ang uri ng adiksyon kaugnay ng bawal na droga at alak. Ngunit ang totoo’y maraming ibang klaseng adiksyon. Basta’t nagpamalas tayo ng labis na hilig sa isang bagay o gawain at tila ‘di makausad ang araw kung ‘di iyon magawa, makita o matikman, adiksyon nang maituturing ‘yan.
May mga taong ang hilig ay isang uri ng pagkain, halimbawa, tsokolate o chicharon. Hirap silang talikuran ito at hinahanap lagi. Naglalasa ‘ikanga at manggigigil ang magkaroon agad nito. Pwede ring maadik sa isang gawain o aktibidad. Halimbawa isang uri ng sport tulad ng basketball. Kapag adik dito ay malamang nagsasakripisyo ng ibang gawain makapanood lang ng laro. Mapupuna rin ito sa hilig kumabisa ng mga pangalan at kwentong buhay ng mga manlalaro.
Sa paglaganap ng teknolohiyang computer, isang bagong anyo ng adiksyon ang umusbong. Kung sa bahay ang computer, maaring nauubos ang oras sa harap nito.
Nag-iinternet o naglalaro ng game. Kung wala namang sariling computer, nariyan ang mga internet café na pwedeng puntahan, umupa ng computer sa maliit na halaga kada minuto o oras na gamit.
Ayon sa isang pag-aaral, meron nang kulturang namumuo sa mga internet café na ngayo’y dumarami na. May mga taong regular na dumadayo at sila’y may nakagawian nang pamumuhay. Kapwa estudyante at empleyado ang dumadagsa sa mga café na ito na malimit sa malls. Sila’y gumagamit ng internet upang manaliksik, mag-e-mail at mag-chat sa mga kaibigan o kamag-anak.
Syempre pa nariyan ang naglalaro ng video games sa kayrami pang ibang internet café na umusbong pati sa labas ng malls. Malapit sa eskwela ang iba o sa mga sentrong komersyal. Dito marahil makikita ang sobrang daming kabataang nalululong sa video games. Nagiging problema na nga ng mga magulang dahil sa negatibong epekto ng adiksyon sa video games sa kanilang pag-aaral.
‘Di na kaiba ang mga kwento ng estudyanteng ‘di na pumapasok sa klase dahil mas nakatambay sa internet café at naglalaro. Madalas walang malay ang mga magulang na patuloy nagbibigay ng allowance na ginagamit pala sa paglalaro sa café. Hanggang sa ipatawag ang magulang ng opisyal ng paaralan para itawag ang pansin sa bumabagsak na mga grado ng anak.
Ang adiksyon sa internet café ay mapupuna rin sa ibang aspeto. Marami ang dumadalaw dito nang dalawang hanggang tatlong beses sa isang linggo. Ang iba pa nga’y araw-araw o kada linggo. Hindi bababa sa isang oras ang ginugugol nilang panahon sa paggamit ng computer.
Karamihan ay mahigit isa’t kalahating oras ang itinatagal. Wala ring problem sa kanila ang magbayad ng hanggang P100 kada dalaw sa café.
Ipinahayag din ng mga regular na kliyente na nais nilang magkaroon ng mga pagkain at inumin sa loob ng cafe. Hudyat marahil na mas matagal pa silang tatambay kung meron nito. Pati na paligid ng café ay gusto nila maginhawa at maaliwalas. Di-kutsong upuan. Malumanay na musika at katamtamang liwanag, mga elementong nais nilang makita sa isang internet café.
Dahil sa bagong takbo ng buhay natin hatid ng pagpasok ng computer at internet, tiyak na nag-iba na ang mga prayoridad sa gastusin at paglaan ng panahon.
Kaakibat nito’y maraming bagong uri ng stress. Pati pakikitungo sa tao’y pwedeng apektado ng adiksyong ito. Marahil kailangan lang ng alalay at pagbabalanse ng lahat nang ‘di naman nasasakripisyo ang mga mas esensyal na bagay sa buhay.

-Susan Fernandez

No comments:

Powered By Blogger
Support World AIDS Day